Naglalaro tayo ng knock-knock joke at ako ang nauna.

“Knock-knock.”
Who’s there?
“Terminal.”
Terminal who?
“Terminal, every now and then I get a little bit lonely.”

Alam kong ndi akma ang magbiro sa ganitong panahon, ngunit alam kong seryoso na ang inaasahan kong mangyari. Planado na ang sasabihin. Isang pagkakataon na lang.

Knock-knock.

Salamat at dininggin ang panalangin ko. Tandang tanda ko kung paano siya nasurpresa sa aking pagkakasabi.

"Hindi ko na tatanungin kung sino ka, dahil alam ko na ang sagot. Aking pag-ibig, come in. Let’s make happy memories together."

Namula siya, at sa kauna-unahang pagkakataon, naging havey ang pagknock knock ko sa kanya.

I.     Para sa akin, isa ka na lamang load na aking ni-register. Para tayong nakasubscribe sa isang unli promo, magiging masaya kahit panandalian at pag-lipas ng ilang araw, mag-eexpire. Mawawala ka din pagkalipas ng ilang araw.

II.     Para sa akin, ikaw ang araw na minsan nagparanas sa akin kung gaano kainit ang mga yakap at ng ating pagmamahalan. Ngunit tulad niya, ika’y lumubog ka at inabot na ng gabi ang aking paghihintay kung kaya’t tinigil ko na ang aking kahibangan.

III.     Para sa akin, isa ka na lamang na natunaw na sorbetes na dumikit na sa sahig na kung saan hindi ko na kaya pang ibalik sa orihinal na korte. Hindi ko na maatim na kainin dahil sa ito’y marumi na at kailangan ng linisin. At hindi magandang tignan kung pipilitin ko pang i-salba ang tunaw ng relasyon nating dalawa na hindi na kayang pantayan ng anumang init at lamig.

Dumarating talaga sa puntong nakakalimutan natin ang iba nating kaibigan para sa isang tao, para sa ating buhay pag-ibig. May mga taong nagagawang piliin ang walang katiyakan kung magtatagal ba kayo ng karelasyon mo sa ilang buwang pinagsamahan niyong magtotropa. Tapos pag naghiwalay naman sila, ang kaibigan ang unang lalapitan. Iiyakan at pagsasabihan ng problema.

Ayoko sa lahat ng pagkikita ay yung maghihiwalay na tayong dalawa ng landas dahil sa kinakailangan na nating umuwi sa dalawang magkaibang tahanan. At ang nag-uugnay para masilayan kang muli ay sa pamamagitan ng teknolohiya. Doon. Doon ko makikita ang iyong ngiti, ang iyong mukha, ang mga bagay na tungkol sa iyo at kung ano ang iyong nararamdaman.

Kailan kaya kita makikita ulit? Hindi na ‘ko makapaghintay.

Ang hirap kasi sa atin, masyado tayong bulag sa ideyolohiya ng “Forever.” Na kapag masyado niyong mahal ang isa’t-isa ay magbibitaw kayo ng mga katagang "Infinity and Beyond" at lalong lalo na ang mga paasang salita ng isang pangako. At pag winasak ng isang kasalanan ay kala mo kung sinong niyurakan ang pag-ibig na minsang inalay. Bakit di mo kaya subukang idikit ang pagmamahal mo sa reyalidad? Maraming pwedeng magbago, maraming salik ang maaring makapaghiwalay sa inyong dalawa. Hindi sa pagiging negatibo, pero kung masyado kayong matatag, hindi kayo papatinag. Ganon lang ‘yon, pero kung mahina ka, wag mong asahang makakamit mo ang bagay na ‘to.

Namimiss ko ang konsepto ng pakikipagrelasyon. Kung paano nagsimula ng dahil sa awkward na pagtatagpo ng ating landas, kung paano ang isa sa’tin magsisimula ng isang simpleng hi at hello at sa hindi maipaliwanag na dahilan, kung paano madudugtungan ng bawat salita at masasayang sandali na papalitan ng isang banat. Pakikiligin ang bawat isa hanggang sa dumating na maglalandian, magkakandaligawan at kung paano magkakaron ng tayo mula sa simpleng ako at ikaw. Mula sa pagkrus ng ating landas hanggang sa kung paano tayo magtatagal. At kung paano tayo magwakas? Hindi siya kasama. Ayoko sa ganung klase ng sitwasyon. Masakit.

Hayaan mong mahalin kita hangga’t may isa akong dahilan para ipaglaban ka. Hayaan mong mahalin kita dahil hinding-hindi ko kailangan ang lisensya ng simbahan at ng madla upang ibigin ka. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba dahil ang mahalaga ay ang itong nararamdaman ko para sa’yo.

Bakit ganun? Ang sweet sweet mo sa’kin, lagi mo akong kinakamusta, kung anong lagay ko. Mga agay na hindi mo dapat gawin pero patuloy mong ginagawa. Ano ba talaga ang meron sa atin? Nahihirapan ako. Pakilinaw naman ng estado nating dalawa ngayon. Ano, hanggang landian na lang ba?

Dear Baby (As if naman na may karelasyon ka.)

         Kumusta ka na? Ingat ka dyan ha? Alam kong malamig, pero mas malamig ang aking paligid kasi wala ka sa tabi ko. (Ah ganun ba? Itatabi kita sa plantsa, wag ka mag-alala.) Nasan ka na ba kasi? Bakit anlayo mo? (Aba, wag ako ang sisihin mo, sisihin mo ang mga pulo ng Pilipinas.) I miss you. I love you. (Oo, mahal ko din ang sarili ko.)

Love, (As if naman na love ka din niya diba?)

Babe. 

Di baleng mag-isa, basta ang puso ay ligtas sa kahit na anong kapahamakan. Malayo sa pagkadurog, malayo sa pira-pirasong pag-ibig dahil sa ako ay nagmahal. Ngunit ang panlulumbay na ito ang nagiging dahilan kung bakit kita inaalala, samahan mo pa ng lamig ng ulan at lamig ng tono na nagmumula sa malulungkot na kundiman. Gusto ko lang malaman mo na hindi kita namimiss, dumaan ka lang sa isip ko. Hindi kita namimiss, hindi talaga. Gusto ko lang balikan ang masasayang alaala at hindi ko na gugustuhing alalahanin pa ang taong nagbigay ng samu’t-saring damdamin. Hinahanap-hanap ko lang talaga ang mga panahon na iyon.

Hindi ko masasabing nasa ayos ang lagay ng kondisyon ko, lalo na’t nasa sistema pa kita.